Arestado ang isang security guard sa pagbebenta ng ilegal na baril sa isinagawang Oplan Panlalansag Omega ng mga awtoridad sa Barangay Rosario Heights 7, Cotabato City nito lamang ika-18 ng Hunyo 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Ariel T Huesca, Regional Chief ng Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit BAR, ang suspek na si alyas “Teng”, 45 anyos, security guard, residente ng Elementary 1, Barangay Sarmiento, Parang, Maguindanao Del Norte.

Naging matagumpay ang ikinasang Oplan Panlalansag Omega dahil sa pagsasanib pwersa ng Cotabato City Field Unit katuwang ang CIDG Maguindanao PFU, 61 Division ng Philippine Army, Cotabato City Police Station 2 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na naaktuhang nagbebenta ng mga ilegal na baril na walang kaukulang dokumento.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang yunit ng cal. 5.56 rifle, isang yunit ng Suzuki Dzire kulay pula, Php119,000 bill na boodle money, isang pirasong Php1,000 bill at isang Nokia black keypad cellphone.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 32 ng Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” ang suspek.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng mahusay at mas pinaigting na kampanya kontra kriminalidad ng PNP at iba pang Law Enforcement Agency upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan tungo sa Bagong Pilipinas.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora J Agbuya