Arestado ang tinaguriang National Most Wanted Person sa isinagawang operasyon ng mga kapulisan sa Barangay Tuca, Marawi City, Lanao del Sur noong Hunyo 8, 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Ariel T Huesca, Regional Chief ng Criminal Investigation and Detection Group, ang suspek na si alyas “Commander Wahab Gara” na miyembro ng 102nd Guerilla Base Command (GBC) ng Bangsamoro Islamic Armed Forces, Moro Islamic Liberation Front.
Ang matagumpay na operasyon ay dahil sa programang Task Force Sanglahi Bravo na binuo ng mga operating units ng CIDG Lanao Del Sur PFU (Lead Unit), Provincial Intelligence Team Regional Intelligence Unit 15, 44th Special Action Company – 4th Special Action Battalion Special Action Force, 1403rd Regional Mobile Force Battalion 14, Provincial Intelligence Unit Lanao Del Sur PPO, 1st Provincial Mobile Force Company LDS, Regional Intelligence Division PRO BAR, RIAT LDS, at Marawi City Police Station.
Ang suspek ay may standing Warrant of Arrest sa kasong paglabag sa Article 324 ng Revised Penal Code (Crimes Involving Destruction) na walang inirekomendang piyansa.
Si Commander Wahab Gara ay kilala bilang isang notoryus sa pagsira ng kaayusan at kapayapaan sa probinsya ng Lanao del Sur at Lanao del Norte.
Matatandaan noong August 18, 2008 ng umatake ang grupo ni commander Wahab Gara at nagnakaw sa mga residente ng Kolambongan sa Lanao del Norte at nandukot at pumatay ng mga inosenteng mamamayan at nanunog ng bahay sa Kauswagan, Lanao del Norte at siya ring responsible sa pagpatay kay PLtCol Angelo Benitez na siyang uupo sana bilang Executive Officer, Joint Task Force, Tabak Iligan City, na dating assigned sa 102nd Infantry Brigade Philippine Army.
Ang matagumpay na operasyon na ito ay nagpapakita ng positibong hakbang sa kampanya laban sa terorismo ng kasalukuyang administrasyon para sa seguridad ng mga mamamayan at kapayapaan ng bansa tungo sa bagong Pilipinas.
Panulat ni Patrolman Ma. Señora J Agbuya