Timbog ang isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng Villanueva MPS sa Zone-6, Población, Tagoloan nito lamang ika-6 ng Hunyo 2024.
Kinilala ni PCol Cholijun P Caduyac, Provincial Director ng Misamis Oriental Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Dhudz”, may asawa, may tatlong anak, at residente ng Zone-6, Población, Tagoloan, Misamis Oriental.
Nagpakilalang habal-habal driver at minsan ay laborer ang suspek ngunit nang magsagawa ng surveillance ang mga pulis, hindi kapani-paniwalang simple lang ang buhay nito dahil nagpagawa ito ng malaki at magandang bahay at nakabili rin ng mamahaling sasakyan at motorsiklo.
Naaresto ang suspek matapos ang ilang pagkakataon ng pagmomonitor sa aktibidad nito.
Kinumpirma ng pulisya na nagpupuslit ito ng hinihinalang shabu, nakipagtransaksyon at positibong nabilhan ng droga sa labas mismo ng kanyang tirahan sa Zone-6, Población, Tagoloan, Misamis Oriental.
Ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang Pambansang Pulisya ay patuloy na nagsasagawa ng mga kampanya laban sa ilegal na droga sa pakikipagtulungan ng komunidad upang matigil ang masamang epekto nito sa lipunan, patungo sa isang maayos at mapayapang bagong Pilipinas.
Panulat ni Pat Rizza Sajonia