Nasabat ang 110 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php748,000 sa paghahain ng Search Warrant sa tinitirhan ng isang aktibong pulis sa Barangay Lumbia, Cagayan de Oro City nitong Lunes, ika-3 ng Hunyo 2024.
Dakong 9:05 ng umaga nang ikasa ang operasyon sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency 10, Police Station 8, Cagayan de Oro City Police Office, at PNP Intelligence Group sa nabanggit na lugar.
Kinilala ng awtoridad ang naarestong suspek na si alyas “Sarge”, 52, residente ng Barangay Lumbia, Cagayan de Oro City.
Bukod sa droga ay nakumpiska ang walong kahon ng bala ng 5.56mm, 7 magazine na may bala, isang Galil Firearm na may serial no. 49307530, dalawang touchscreen cellphone, isang keypad cellphone, isang Glock 17, isang magazine ng Glock 17, isang weighing scale at mga drug paraphernalia.
“We hold ourselves to the highest standard of integrity and professionalism, and those who betray the trust of the people and the organization will be held accountable to the full extent of the law,” pahayag ni PBGen Ricardo G Layug Jr, Regional Director ng Police Regional Office 10.
Panulat ni Edwin Baris