Aabot sa Php204,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa buy-bust operation ng City Drug Enforcement Unit ng Iligan City Police Office at Iligan City Police Station 5 sa Purok 6, Barangay Saray, Iligan City nitong ika-5 ng Hunyo 2024.
Kinilala ni Police Colonel Reinante B Delos Santos, City Director ng Iligan CPO ang naarestong suspek na si alyas “Willy”, 42, residente ng Rorogagas, Marawi City.
Bandang 4:49 ng madaling araw nang maaresto ang suspek at nakumpiska ang 11 pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na mahigit kumulang 30 gramo at may street value na Php204,000, touchscreen cellphone, drug paraphernalia, Php500.00 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang pagkakahuli ng suspek ay bunga ng walang humpay na operasyon ng Iligan City PNP kontra ilegal na droga at iba’t ibang uri ng kriminalidad upang masiguro ang kapayapaan at kaligtasan ng bawat mamamayan.
Panulat ni Edwin Baris