Nagsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Bunawan Municipal Police Station sa nangyaring insidente ng pamamaril sa Purok 7, Barangay San Teodoro, Bunawan, Agusan del Sur, dakong 1:30 ng madaling araw, nito lamang Mayo 25, 2024.
Kinilala ang nasawing biktima na si alyas Joshua, 28 taong gulang, at residente ng P-2A, Barangay Consuelo, Bunawan, Agusan del Sur.
Batay sa report, nakatanggap ng tawag sa telepono ang mga tauhan ng Bunawan MPS mula sa Valentina Galidi Plaza Memorial Hospital na nagbigay impormasyon na ang isang biktima ng insidente ng pamamaril ay dinala sa ospital para sa agarang medikasyon ngunit idineklara itong dead on arrival ni Dr. Uzziel Ann Joy A Javerle, Physician.
Sa isinagawang imbestigasyon ng rumespondeng tauhan ng Bunawan PNP, lumalabas na nag-aaway ang nasabing mga tao, nang biglang sinaksak ng biktima ang suspek gamit ang kutsilyo ngunit nakaiwas, agad namang binaril ng suspek ang biktima ng dalawang beses gamit ang hindi pa kilalang kalibre ng baril. Matapos ang insidente, tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon.
Agad namang nagsagawa ng Hot Pursuit Operation ang AgSur PNP para sa posibleng pagdakip sa suspek upang mabigyan ng hustisya ang biktima.
Panulat ni Pat Karen A Mallillin