Nakumpiska ang aabot sa Php680,000 halaga ng shabu at loose firearm sa isinagawang buy-bust operation ng Teresa Municipal Police Station Drug Enforcement Team sa isang High Value Individual (HVI) bandang 9:44 ng gabi sa Barangay San Gabriel, Teresa, Rizal nito lamang Mayo 20, 2024.
Kinilala ni PCol Felipe B Marragun, Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office, ang naarestong suspek na si alyas “Kenneth”, 48, residente ng Barangay San Gabriel, Teresa, Rizal.
Nasabat ng mga awtoridad sa suspek ang limang plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na humigit-kumulang 100 gramo ang bigat na nagkakahalaga ng Php680,000, isang caliber .38 revolver na may laman na limang bala, isang bag, at buy-bust money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Buong pwersa ang PNP CALABARZON upang hadlangan ang kalakalan ng ilegal na droga sa rehiyon at patuloy na maipatupad ang operasyon nito laban sa loose firearms. Ang police operation na ito ay nagpapatunay na patuloy na pinagbubuti ng ating mga kapulisan ang pagganap sa kanilang mga tungkulin upang tuluyang magtagumpay ang pagsugpo ng ilegal na droga sa ating rehiyon at sa buong bansa, dahil dito sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng Pulis, ligtas ka!.
Source: Rizal PPO-PIO
Panulat ni Patrolwoman Maria Sarah P Bernales