Nakumpiska ng mga awtoridad ang mga baril at bala sa isinagawang paghahain ng Search Warrant sa Barangay Capayas, Dumaran, Palawan noong ika-11 ng Mayo 2024.
Ang binuong grupo ng Palawan PPO, kasama ang Dumaran MPS, PPMFC 4O1st B MC RMFB, at RSOG 4B ay nagtulungan upang maisagawa ang nasabing operasyon.
Ang target ng mga awtoridad ay ang tahanan ng isang kilalang alyas “Roy”, base sa search warrant na pinirmahan ni Hon. Judge Anna Leah Tiongson-Mendoza ng 4th Judicial Region, Roxas, Palawan.
Sa masusing paghalughog ng mga kapulisan sa bahay ng suspek, nakuha ng mga awtoridad ang iba’t ibang uri ng armas at bala kabilang dito ang isang improvised homemade 12-gauge shotgun, limang round ng 12-gauge live ammunitions, at isang homemade pistol caliber .45 kasama ang isang piraso ng .45 live ammunition.
Samantala, ang lahat ng mga armas at bala na nakumpiska mula sa suspek ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Dumaran MPS para sa tamang disposisyon.
Ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng determinasyon ng mga awtoridad na labanan ang ilegal na pagtatago at pagmamay-ari ng armas.
Ang pagsasagawa ng operasyong ito ay nagpapakita rin ng kanilang patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng publiko para sa kaligtasan at kaayusan sa kanilang mga pamayanan.
Source: Thunder News Philippines
Panulat ni Pat Desiree Padilla