Nakumpiska ang tinatayang Php200,000 halaga ng tuyong dahon ng marijuana sa isinagawang random na inspeksyon ng K9 sa JRS Express, Gomez Street, Barangay 20, Tacloban City, Leyte nito lamang Abril 6, 2024.
Kinilala ni Police Colonel Michael P Palermo, City Director ng Tacloban City Police Office, ang suspek na si alyas “Vincent”, nasa wastong gulang at residente ng Barangay 109, V & G Subdivision, Tacloban City.
Naging matagumpay ang operasyon sa pinagsanib pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency-Airport Interdiction Unit at Philippine Drug Enforcement Agency 8-Tacloban City Office kasama ang Tacloban City Police Office-City Drugs Enforcement Unit, Tacloban City Police Station 2, PNP Drug Enforcement Group Special Operation Unit 8 at mga tauhan ng JRS.
Nakumpiska ang isang brick ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may tinatayang timbang na isang kilo at nagkakahalaga ng Php200,000.
Samantala, ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang operasyon ay isang hakbang ng pagpapakita ng suporta sa isa sa isinusulong na programa ng pamahalaan na Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan tungo sa isang drug-free na bansa para sa Bagong Pilipinas.
Panulat ni Patrolwoman Sherie-ann Masi