Mahigit Php2.3 Milyon halaga ng shabu at isang caliber .45 revolver ang nakumpiska ng Bataan PNP mula sa dalawang indibidwal sa isinagawang buy-bust operation sa Sitio Dimapalagay, Barangay Mountain View, Mariveles, Bataan nito lamang ika-18 ng Marso 2024.
Ayon sa inilabas na ulat ng Police Regional Office 3, naging matagumpay ang operasyon sa pangunguna ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Mariveles kung saan nagresulta ito sa pagkakakumpiska ng limang plastik sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 350 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php2,380,000; drug paraphernalia; at isang (1) caliber .45 revolver na may dalawang bala.
Napag-alaman din na ang mga naaresto ay tinaguriang mga High Value Individual at kilala sa aktibong pakikilahok sa ilegal na kalakalan ng droga.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon kay Police Colonel Palmarez Z Tria, Provincial Director, ang Bataan PNP ay nakatuon sa pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng komunidad at magpapatuloy sa pakikipagtulungan sa iba pang mga ahensya upang makamit at mabawasan ang talamak na pagbebenta ng ilegal na droga sa kanilang probinsya tungo sa isang mapayapa at ligtas na lalawigan ng Mariveles.
Panulat ni Pat Marimar Junio