Nasabat sa dalawang lalaking tulak ng droga ang tinatayang aabot sa Php13.6 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation ng City Intelligence Unit at City Drug Enforcement Unit ng Cebu City Police Office sa Purok 8, Barangay Camputhaw, Cebu City nito lamang Marso 12, 2024.
Kinilala ni Police Colonel Ireneo B Dalogdog, City Director ng CCPO, ang mga suspek na sina alyas “Insek”, 32 taong gulang at alyas “Tata”, 42 taong gulang, parehong residente ng nabanggit na lugar.
Ayon kay PCol Dalogdog, ang suspek na si alyas “Insek” ay bagong tinukoy na drug personality na kaya umanong mag-dispose ng malaking bulto ng ilegal na droga o tinatayang 5 kilo ng shabu kada-linggo.
Nakuha mula sa mga suspek ang tinatayang aabot sa dalawang kilo ng shabu na aabot sa Php13.6 milyon halaga ng shabu, Eco-bag na ginamit bilang lagayan ng mga ilegal na droga at buy-bust money.
Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay patunay lamang na ang Pambansang Pulisya ay hindi nagpapabaya sa kanilang sinumpaang tungkulin na sugpuin ang ilegal na droga at hulihin ang mga taong nasa likod nito, upang isulong ang kapayapaan sa bawat komunidad at makamit ang ligtas at isang drug-free na bansa tungo sa Bagong Pilipinas.
Panulat ni Pat Aivan Guisadio