Nasabat ang tinatayang Php2,787,609 halaga ng ilegal na torso (narra) habang arestado ang suspek sa ipinatupad na search warrant ng Mountain Province PNP sa Sitio Malupa, Abatan, Bauko, Mountain Province nito lamang hapon ng Marso 4, 2024.
Ayon kay Police Colonel Sibly P Dawiguey Jr, Provincial Director ng Mountain Province Police Provincial Office, isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant para sa isang Mitsubishi Canter wing van truck na may plate no. RNK 842 dahil sa kasong paglabag sa PD 705.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakumpiska ng 84 piraso ng narra lumbers na may iba’t ibang sukat na nasa 1,639.77 board feet at nagkakahalaga ng tinatayang PhP2,787,609 market value, ganundin ang pagkaaresto ng lalaking driver ng naturang sasakyan.
Isinagawa ang pag-imbentaryo sa mga nakumpiskang ebidensya onsite sa presensya ng suspek at ng mga saksi bago dinala ang mga ito sa Bauko MPS para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Samantala, ang matagumpay na operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng Mountain Province PNP katuwang ang Provincial Highway Patrol Team – Mountain Province, Regional Intelligence Division PRO Cordillera, Criminal Investigation and Detection Group – Mt. Province at Department of Environmental and Natural Resources-City Environmental and Natural Resources Office.
Patunay lamang na ang Pambansang Pulisya katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay patuloy sa pagpapatupad ng kanilang sinumpaang tungkulin kontra sa anumang kriminalidad at isa na rito ang mapanagot ang mga taong sumisira sa kalikasan sa kanilang mga nasasakupan.