Nasabat ng mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6 ang Php1.9 milyong halaga ng shabu at caliber .38na baril sa tatlong indibidwal sa buy-bust operation sa Zone 6, Sto. Niño Norte, Arevalo, Iloilo City, nito lamang ika-27 ng Pebrero 2024.
Kinilala ni Police Captain Glenn A Soliman, Chief ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6, ang mga naaresto na sina alyas “Onat”, 41, residente ng Barangay Tanza Bonifacio, Iloilo City, live-in partner nito na si alyas “Rodalyn”, 20, residente ng San Rafael, Mandurriao, Iloilo City, at ang parokyano nilang si alyas “Jhemark”, 27, residente ng Calumpang, Molo, sa parehong siyudad.
Sa isinagawang buy-bust operation nakuha mula sa mga suspek ang 17 sachets ng pinaghihinalaang shabu na tumitimbang ng 280 gramo, na may Standard Drug Price na aabot sa Php1,904,000.
Samantala, narekober din sa operasyon ang isang caliber .38 na baril, cellphones at ilang mga non-drug items.
Ayon kay Police Captain Soliman, halos isang buwan na pagmamasid ang ginugol sa mga suspek bago ang matagumpay na pag-aresto sa mga ito.
Nasa pangangalaga na ngayon ng Iloilo City Police Station 6 ang mga naaresto at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ang tagumpay ng operasyon ay bunga ng pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga ng kapulisan na naglalayong masugpo ang ilegal na droga sa siyudad, at mahuli ang mga taong patuloy na nagbebenta o gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Source: PRO6 RPIO
Panulat ni Pat Glydel V Astrologo