Mahigit Php414,000 halaga ng ilegal na droga ang nasabat mula sa isang drug den sa Barangay Port Poyohan, Butuan City kung saan apat na indibidwal ang nahuli nito lamang Pebrero 23, 2024.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Jerome”, High Value Individual (HVI); alyas “Bryan”, 38; alyas “Lan”, 37, na pawang mga residente ng naturang siyudad; at alyas “Jun”, 37 na residente ng Surigao del Sur.
Batay sa report, bandang 3:30 ng hapon nang maghain ng search warrant ang Butuan City Police Intelligence Unit-City Drug Enforcement Unit (CIU-CDEU) sa nasabing lugar para kay alyas “Jerome” ng maaktuhan nilang nagsasagawa ito ng pot session kasama ang tatlo pang suspek.
Nakumpiska mula sa operasyon ang 13 pakete na naglalaman ng may kabuuang 61 gramo ng hinihinalang shabu na aabot sa halagang Php414,800; isang kalibre 45 na baril na may pitong bala; Php4,100 na pera at drug paraphernalias.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng CIU-CDEU ng Butuan City Police Office (BCPO) ang mga nakumpiskang droga at ang apat na suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy naman na papaigtingin ng Pambansang Pulisya ang kampanya kontra ilegal na droga. Ito ay alinsunod sa isa sa pangunahing prayoridad ng administrasyon na labanan ang mga sindikato ng droga sa pamamagitan ng pagpigil sa kanilang mga ilegal na aktibidad at pagbuwag sa kanilang mga operasyon.
Panulat ni Patrolman Jhunel D Cadapan