Nasakote ang tatlong drug personality sa isinagawang buy-bust operation ng Los Amigos PNP sa Purok Crossing Durian, Barangay Tagakpan, Tugbok District, Davao City nito lamang Pebrero 20, 2024.
Kinilala ni Police Major Mark Hedssel M Culaste, Station Commander ng Los Amigos Police Station, ang mga naaresto na sina alyas “Kamatis”, na tinaguriang Top 7 City High Value Individual; Alyas “Lando”, na tinagurian naman bilang Top 1 HVI sa station level; at isang Alyas “Roy” na menor de edad na kabilang sa mga street level drug individual at Child-in-Conflict with the Law na pawang mga residente ng Davao City.
Ayon kay PMaj Culaste, naaresto ang mga suspek sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsamang tauhan ng Intelligence Operatives ng Los Amigos PS at Davao City Police Office.
Dagdag pa ni PMaj Culaste, narekober mula sa mga suspek ang ilang pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit kumulang na 1.513 gramo na may street market value na Php13,000; tatlong android cellphones; isang unit ng pink Suzuki smash na motorsiklo; at iba pang non-drug evidence.
Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, ang laban kontra ilegal na droga ay patuloy na pinapaigting ng Pambansang Pulisya alinsunod sa kampanya ng pamahalaan at pagsulong ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) Program upang mapanatili ang adhikain ng Philippine Anti-Illegal Drugs Strategy na kapayapaan at kaayusan tungo sa Bagong Pilipinas.
Panulat ni Pat Elhynn Joy G Pagsugiron