Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa isang negosyante ang mga di-lisenyadong mga baril at mga iba’t ibang bala sa ikinasang Oplan Paglalansag Omega sa Barangay Kitango, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur noong ika-16 ng Pebrero 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Ariel T Huesca, Chief ng Criminal Investigation and Detection Group Maguindanao Provincial Field Unit ang suspek na si alyas “Kagui Kautin, 49, isang negosyante at residente ng nasabing lugar.
Isinagawa ang entrapment operation ng pinagsanib na operatiba ng CIDG Maguindanao PFU katuwang ang CIDG Regional Special Operations Team Regional Field Unit – BAR, at Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station na nagresulta sa pagkaaresto sa suspek at pagkakumpiska sa mga di lisensyadong baril at mga iba’t ibang bala.
Nakumpsika mula sa suspek ang isang yunit ng Ranger 45-114 caliber .45mm; isang yunit ng APINTL – PAHRUMP ACP Philippine caliber .45mm; tatlong caliber .45mm magazine assembly; 831 piraso ng caliber .45mm na bala FMJ; 10 piraso ng caliber .45mm live ammunitions chamber loaded; 35 piraso ng caliber .38mm na bala; tatlong piraso ng caliber .357mm na bala; 50 piraso ng 12-gauge na bala; at isang piraso ng Php500 bill na ginamit sa transaksyon.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Seksyon 32 ng Republic Act 10591 o “Unlawful Sale of Ammunitions” at Artikulo 28 ng Republic Act 10591 o “Illegal Possession of Firearms and Ammunition”.
Ang matagumpay na operasyon ay resulta sa pinaigting na kampanya kontra loose firearms na naaayon sa programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na puksain ang anumang uri ng kriminalidad sa bansa sa pamamagitan ng agarang aksyon para makamit ang isang maayos, mapayapa, at maunlad na Bagong Pilipinas.
Panulat ni Pat Ma. Señora Agbuya