Goa, Camarines Sur (January 28, 2022) – Bunsod ng sunod-sunod na report sa pagkawala ng mga alagang hayop partikular na ang kalabaw na kalimitang ginagamit sa agrikultura ng mga residente ng Goa, Camarines Sur, inilunsad ng mga kapulisan ng Camarines Sur Police Provincial Office ang COPLAN 2020-20 CARNAGE para sa paglabag sa Anti-Cattle Rustling Law.
Isang intel-driven operation ang inilatag ng pinagsama ng mga operatiba ng PIU CSPPO, Goa MPS, Ocampo MPS, Iriga MPS, at 2nd CSPMFC sa Brgy. Pinaglabanan, Goa, Camarines Sur matapos makatanggap ng isang impormasyon mula sa isang mamamayan tungkol sa transportasyon ng mga kalabaw sa dakong alas-3:00 ng madaling araw ng Enero 28, 2022.
Agad na nagtungo ang mga operatiba na kanila mismong nasaksihan ang pagsakay sa apat na kalabaw ng mga suspek sa isang green at gray na close van at ng sinita ay agad na pinaputukan ng mga suspek ang mga kapulisan dahilan ng pagkakaroon ng palitan ng putok na nagresulta sa pagkasawi ng tatlo (3) sa grupo habang ang apat (4) ay mabilis na nakatakas.
Ang mga namatay ay kinilala na sina Jemuel Rodriguez y Canezo; Jupiter Brebon y Doe; at si alyas Junior Panuelos, pawang mga residente ng Brgy. Old Moriones, Ocampo, Camarines Sur.
Sa pagnanais na maaresto ang mga nakatakas, mabilis na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga kapulisan. Isang tawag ang natanggap ng Goa MPS sa umano’y sugatan na lalaki na nakita sa Brgy. Cagaycay, Goa, Camarines Sur. Nang makumpirma ay agarang rumesponde sa lugar ang mga kapulisan. Kinilala itong si Tomas Panuelos y Colis, 31 anyos na nakatira sa Zone 4 Brgy Poblacion, Ocampo, Camarines Sur.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon at paghahanap sa tatlo pang nakatakas na kinilalang sina Jobert Fedelino, itinuturing na lider ng grupo, tubong Ocampo, Camarines Sur; isang alyas Criz residente ng Tigaon; at si alyas Bryan na taga Rinconada area. Inaalam din nila kung saan ito dinadala at kung sinu-sino pa ang mga tao sa likod sa ilegal na gawaing ito.
“Tunay nga na sa ating pagkakaisa (mamamayan at kapulisan) ay mas madali nating magagawa ang mithiing panatilihin ang seguridad ng bawat Bicolano at ang ating mga ari-arian”, ani Regional Director 5 Police Brigadier General Jonnel Estomo.
Source: RPIO5
####
Panulat ni Police Corporal Shiear “Kye” Velasquez-Ignacio
Great Job PNP