Sariaya, Quezon (January 28, 2022) – Arestado ang Top 1 Most Wanted rapist sa pinagsanib na pwersa ng Sariaya PNP, Regional Intelligence Unit (RIU) 4A Quezon, Patrol Investigation Team (PIT) at Regional Intelligence Division (RID) 4A Quezon sa Sitio Sinegwelasan, Brgy. Janagdong 2, Sariaya, Quezon bandang 2:59 ng hapon ng Enero 28, 2022.
Kinilala ng awtoridad ang suspek na si Ronald Manese y Ramos, 21 anyos at residente ng nasabing barangay. Siya ay naaresto sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ni Honorable Judge Patricia Angeles Reyes Cataquiz-Fidel of Family Court RTC, Branch 16, Sariaya, Quezon noong Disyembre 16, 2021 na walang kaukulang piyansa.
Ayon sa ulat, ang krimen ay naganap noong Hulyo 10, 2021 sa Barangay Janagdong 2, Sariaya, Quezon. Diumano, niyaya ng suspek ang menor de edad na biktima na maglaro sa loob ng isang tago o saradong van at doon na naisagawa ang krimen.
Si Ramos ay kinasuhan ng Statutory Rape Article 266-A Revised Penal Code as amended by RA 8353 (Anti-Rape law), na may Criminal Case Nr. 2021-2107. Siya ay binigyang kaalaman sa kanyang constitutional rights at sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Sariaya Municipal Police Station.
Nagpahayag si Police Colonel Joel Villanueva, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office na labanan at puksain ang karahasan laban sa kababaihan at hinding-hindi kukunsintihin ang ganitong uri ng gawain. Aniya, “Ang paglabag sa kahalagahan ng kababaihan ay hindi normal o makatwiran dahil ang ating hangarin ay protektahan at itaguyod ang kapakanan ng mga kababaihan.”
Nagpasalamat din si PCol Villanueva sa mga mamamayan sa kanilang suporta at pakikiisa sa mga kapulisan na mahuli ang mga taong nagkasala at mabigyan ng hustisya ang biktima.
####
Panulat ni Patrolman Marvin Riance T Avila, RPCADU 4A
Wow husay at galing saludo tyo s mga kapulisan