Kulungan ang bagsak ng isang 45-anyos na lalaki matapos mahulihan ng tinatayang Php136,000 halaga ng shabu sa De Mazenod Ave., Brgy. Poblacion, Kidapawan City nito lamang Lunes, Pebrero 5, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang nahuling suspek na si alyas “Bandajar”, may asawa at residente ng Davao de Oro.
Sa ulat ng Kidapawan City Police Station, bandang 1:00 ng hapon nang dinala si Bandajar sa kanilang hanay upang ayusin ang hindi nabayarang room accommodation nito sa Park Land Suites and Resto Bar.
Napagdesisyunan ni Bandajar na gawing collateral ang kanyang motorsiklo para sa kanyang hindi nabayarang bill. Nang iaabot nito ang dokumento ng kanyang motorsiklo ay nahulog ang isang hinihinalang improvised all weather tooter na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Isinailalim ang suspek sa body search at nakuha mula sa pag-iingat nito ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 20 gramo na may Standard Drug Price na Php136,000.
Mahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.
Nagpaalala naman si PBGen Macaraeg sa mga gumagawa ng kriminalidad na tumigil sa kanilang mga masamang gawain dahil hindi titigil ang PNP sa pagsugpo sa mga taong lumalabag sa ating batas.
Panulat ni Patrolwoman Flora Mae Asarez