Quezon – Arestado ng mga operatiba ng Catanauan Municipal Police Station ang apat na suspek kaugnay ng insidente ng pagsunog na naganap nito lamang gabi ng Enero 31, 2024 na kinasangkutan ng isang pampasaherong minibus sa Barangay Dahican.
Kinilala ni Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas, Regional Director ng Police Regional Office CALABARZON, ang nasabing mga suspek na sina alyas “Ernesto”, 50, Sales Manager; alyas “Noel”, 54, Civil Engineer, residente ng Brgy Tagpus, Binangonan, Rizal, alyas” Dominic”, 28, Civil Engineer, ng Brgy San Fernando Cabiao, Nueva Ecija, at alyas “Jade”, 46, Film Director ng Fifth Condominium, San Rafael St. Capitolyo, Pasig, City.

Nakatanggap ang Catanauan Municipal Police Station ng distress call mula sa isang concerned citizen ng Barangay Dahican, na nag-ulat ng pagkasunog ng isang pampasaherong minibus.
Ang nasabing minibus ay pagmamay-ari ng Gumaca Transport Group at minamaneho ni Mr. Carl Bayer Villanueva.

Sa pamamagitan ng masigasig at masusing imbestigasyon at pag-backtrack, natunton ng mga awtoridad ang mga suspek sa Mi Casa Resort sa Barangay Butanyog, Mulanay. Ang mga suspek ay dumating at umalis sa resort sakay ng isang Mitsubishi Mirage at positibong kinilala ng mga saksi kabilang ang driver at mga pasahero ng nasabing minibus.

Agad na inaksyunan ng Catanauan Municipal Police Station ang impormasyon na nagresulta ng pagkahuli ng apat na suspek nito lamang Pebrero 02, 2024.

Pinuri naman ni PBGen Lucas ang mabilis na aksyon ng Catanauan Municipal Police Station sa pagresponde sa nasabing insidente. “Ipinaaabot ko ang aking pasasalamat sa mga dedikadong opisyal at imbestigador na walang sawang nagsumikap upang matunton ang mga suspek, gayundin sa mga testigo na nagharap ng mahalagang impormasyon. Ang pagtutulungang ito ay nagpapahiwatig ng matibay na ugnayan sa pagitan ng pagpapatupad ng batas at ng komunidad na ating pinaglilingkuran.”
Source: PRO4A PIO
Panulat ni Maria Sarah P Bernales