General Santos City – Umabot sa Php183,600 halaga ng ilegal na droga ang nasabat ng mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang mekaniko sa isinagawang buy-bust operation sa Purok San Roque Silway, Brgy. West General Santos City nito lamang Pebrero 3, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang nahuling suspek na sina “Mad”, 41 anyos, at residente ng nasabing barangay.
Ganap na 7:10 ng gabi nang ikinasa ang buy-bust operation na pinangunahan ng City Police Drug Enforcement Unit – General Santos City Police Office katuwang ang General Santos City Police Station 1, City Intelligence Unit, Regional Intelligence Unit 12 at Regional Special Operations Group 12.
Nakuha ng mga operatiba mula sa suspek ang humigit-kumulang 27 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php183,600, buy-bust money, at iba pang non-drug items.
Pinuri naman ni PBGen Macaraeg ang tagumpay ng naturang drug operations ng mga operatiba. Aniya, indikasyon ito na hindi tumitigil ang PRO 12 laban sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin