Davao City (January 18, 2022) – Umabot na sa mahigit 15,000 ang bilang ng Certificate of Live Birth ang matagumpay na naiproseso ng mga tauhan ng Revitalized-Pulis sa Barangay sa iba’t ibang sulok ng Geographically Isolated and Disadvantage Areas o GIDAs sa buong Rehiyon Onse.
Kamakailan nga ay 97 birth certificates na naman ang naiturn-over sa mga katutubong Matigsalug sa Sitio Sandunan, Brgy. Tamugan, Marilog Dist., Davao City noong Enero 18, 2022, sa pangunguna ni Police Regional Office 11, Regional Director, PBGen Filmore Escobal na lubos na ipinagpasalamat ng mga naging benepisyaryo nito.
Sa loob ng mahigit dalawang (2) taon, simula nang mag-umpisa ang programa ng R-PSB sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Escobal ay marami na sa mga residente na nakatira sa GIDAS na hindi pa rehistrado lalo na ang mga kapatid nating katutubo mula sa iba’t ibang tribo ang nabigyan ng pagkakataon upang magkaroon ng pagkakakilanlan at maging isang tunay na Pilipino. Gayundin ang pagiging ganap na kaisa ng pamahalaan dahil sa pagkakaroon ng birth certificate kung saan mismong mga tauhan ng R-PSB ang nagpoproseso nito.
Dahil sa layo ng kanilang mga lugar at kamahalan ng pamasahe, ang pagtungo sa mismong tanggapan ng Local Civil Registrar ay mahirap para sa mga katutubo. Maliban dito, ang ilan sa kanila ay walang kakayahang magbasa at magsulat kaya naman upang mas mapadali, ang R-PSB na mismo ang nagdadala at nagpoproseso nito.
Isa lamang ito sa layunin ng programa ng R-PSB upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng komunidad sa mga liblib na lugar. Sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad ng R-PSB ay nailalapit nito ang mga programa ng gobyerno sa mga GIDAS barangays.
###
Panulat ni Police Corporal Mary Metche A Moraera – RPCADU 11
Galing nmn ng mga pulis tunay n serbisyo publiko