Nagsagawa ang Cagayan Police Provincial Office ng pinakaunang bloodletting activity ngayong taon na ginanap sa SM City, Tuguegarao City, Cagayan noong Enero 17, 2024.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni Police Colonel Julio Gorospe Jr, Provincial Director ng Cagayan PPO, kasama ang Provincial Health Unit, KDDAT-Cagayan Chapter sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Hon. Jaypee Pagulayan.

Nakiisa din ang MBK-LC Lallo PS, mga miyembro ng “Eagles” mula sa bayan ng Sta. Ana, mga estudyante ng University of Cagayan Valley, Cagayan State University at Saint Paul University.
Sa pakikipagtulungan ng Cagayan Valley Medical Center ay nakalikom ng nasa 50,000cc na dugo mula sa isang daang mga blood donors.

Ayon kay PCol Gorospe, bawat patak ng dugo na nakukuha mula sa inyo na mga blood donors ay magsisilbing tagapag-ugnay sa pagitan ng komunidad at kapulisan tungo sa mas matatag na samahan.
Anya, “Kayo ay isa sa mga unsung heroes sapagkat ang inyong mga dugo ay napakalaking tulong sa mga naghihingalo at may mga malubhang karamdaman, dinudugtungan ninyo ang kanilang buhay para makasama pa nila ng mas matagal ang kani-kanilang mga mahal sa buhay.”

Labis din itong nagpapasalamat sa tanggapan ng Blood Bank CVMC dahil sa patuloy na suporta ng mga ito sa Dugong Magiting ng CPPO, gayundin ang pamunuan ng SM Mall City, na kinatawan ni Ms. Maria Mercedes G Sol, Asst. Mall Manager sa pagpapaunlak na ganapin ang aktibidad sa kanilang lugar.
Patuloy ang pangunguna ng kapulisan sa mga programa at aktibidad na naglalayong tulungan ang mamamayan upang makamit nito ang maayos, ligtas at payapang pamumuhay.
Source: Cagayan Police Provincial Office