Pormal nang nanungkulan bilang bagong Provincial Director ng Cotabato Police Provincial Office si Police Colonel Gilberto Tuzon, pinalitan nito si Police Colonel Harold Ramos sa Covered Court ng Cotabato Police Provincial Office nito lamang Enero 12, 2024.
Ang turn-over Ceremony of Command ay pinangunahan ni Police Colonel Rogelio Raymundo Jr., Acting Deputy Regional Director for Administration ng Police Regional Office 12.

Panauhin sa aktibidad sina Jessie Enid, Executive Secretary ng Governor ng North Cotabato; Roland Jungco, 1st District Board Member ng North Cotabato; at si Police Colonel Cydric Earl Tamayo, Chief of Regional Staff ng PRO 12.

Sa naging mensahe naman ni Outgoing Provincial Director Ramos, pinasalamatan nito ang lahat ng taong naging bahagi ng kanyang mahigit dalawang taong panunungkulan bilang pinakamataas na opisyal ng pulisya sa lalawigan.

Gayundin sa natanggap nitong matatag na suporta at kooperasyon mula sa pamahalaan ng lalawigan na malaki ang naging parte upang maisakatuparan ang katiwasayan at kapayapaan sa probinsya.

Tiniyak naman ng bagong Provincial Director na kanyang gagampanan ang kanyang tungkulin alinsunod sa flagship program ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng PRO 12, na Service with a H.E.A.R.T (Service with Humility, Enthusiasm, Aspirations, Respect, Timely, and Appropriate Response), na siyang magiging batayan ng kanyang pagbibigay serbisyo sa mamamayan ng probinsya.
Panulat ni Patrolwoman Rhesalie Umalay