Ipinahayag ni National Capital Region Police Office Chief PMGen Jose Melencio C Nartatez Jr, na ang pagdiriwang ng Bagong Taon sa buong Metro Manila ay naging ligtas at mapayapa dahil sa pinaigting na police visibility ng kapulisan ng NCRPO nitong holiday season.
Tinutukan ni PMGen Nartatez Jr, ang sitwasyon sa mga lugar kung saan madalas na maraming mga tao tulad ng mga bus terminal at istasyon ng tren. Nag-inspeksyon din siya sa deployment ng mga police personnel para matiyak na nakaalerto ang mga ito.

“Ang tagumpay na ito ay dahil sa paghahanda sa seguridad at pare-parehong pagpapatupad ng iba’t ibang mga hakbang at kampanya tulad ng mahigpit na pagpapatupad ng pagbabawal ng paputok, pagbebenta, at paggamit ng mga ilegal na paputok,” saad ni PMGen Nartatez.
Ani pa nya, noong 8:00 ng gabi ng unang araw ngayong taon, naaresto ng pulisya ang labing-apat (14) na lumabag sa firecracker ban na nagkakahalaga ng Php670,344 sa buong rehiyon, tatlong lumabag sa ilegal na pagdiskarga ng mga baril, at apat na sibilyan na sugatan mula sa ligaw na bala.

Sa pakikipag-ugnayan naman sa Department of Health, nakapagtala ng 234 firecracker injuries sa buong rehiyon.
Samantala, bilang bahagi ng pagsisikap ng NCRPO na matiyak ang ligtas na pagdiriwang ng Bagong Taon, ang mga tauhan nito ay idineploy sa Bonifacio Global City, Taguig City, Mall of Asia, Pasay City, Ayala Avenue, Legaspi Village, Makati City, Quezon Memorial Circle, Eastwood City Mall, Libis, Quezon City, Greenfield Mandaluyong City na pinangunahan ng SILG Benjamin Abalos Jr., Rizal Park, Ermita, Manila, Pinaglabanan Shrine, San Juan City, at Jones Bridge, Binondo, Manila na may kabuuang crowd estimate na 168,350.

Ipinaabot ni RD Nartatez ang kanyang pasasalamat sa mga pinuno ng lokal na pamahalaan ng Metro Manila sa pag-aayos ng isang common area para sa countdown ng Bagong Taon sa kani-kanilang nasasakupan gayundin ang kanilang pakikiisa sa pagpapatupad ng mga batas laban sa ilegal na paputok na naging daan para magkaroon ng ligtas na pagdiriwang ng Bagong Taon.
Pinuri rin nya ang publiko sa kanilang pakikipagtulungan upang maging payapa, maayos, at ligtas ang pagdiriwang ng Yuletide Season.
Source: RPIO NCRPO