Tinatayang Php4,080,000 halaga ng ilegal na droga ang nasabat habang anim na indibidwal ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Baba Damag, Marawi City, Lanao del Sur nito lamang ika-23 ng Disyembre 2023.
Naging matagumpay ang operasyon matapos magsagawa ng intel-driven buy-bust operation ang mga awtoridad kung saan nakabili ng ilegal na droga mula sa target ng operasyon ang isang pulis na nagpanggap bilang poseur buyer na nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na indibidwal.
Nakumpiska mula sa mga naaresto ang anim na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 600 gramo at nagkakahalaga ng Php4,080,000; dalawang pirasong Php1,000 bill, Php300,000 na ginamit bilang buy-bust money; dalawang cellphone; at isang Toyota Vios na may plakang NGP 8270.
Ang matagumpay na operasyon ay dahil sa pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit/Provincial Special Operations Group ng Lanao del Sur Police Provincial Office, 1st Provincial Mobile Force Company, 1403rd Regional Mobile Force Company, Marawi City Police Station, at 1402nd RMFC.
Pinuri naman ni Police Brigadier General Allan Nobleza, Regional Director ng Police Regional Office Bangsamoro, ang mga operatiba dahil sa matagumpay na operasyon. “I commend our Bangsamoro Police in this successful operation. Ito po ay isang patunay ng ating mas pinaigting na law enforcement operations lalo na ngayong holiday seasons para sa mapayapang Bangsamoro region”.
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz