Tinatayang Php132,800 halaga ng marijuana ang nadiskubre sa isinagawang marijuana eradication ng mga awtoridad sa Sitio Lebeng at Mocgao, Kibungan, Benguet nito lamang ika-12 ng Disyembre 2023.
Ayan kay Police Colonel Damian Olsim, Provincial Director ng Benguet Police Provincial Office, ang operasyon ay naging matagumpay sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga operatiba ng 2nd Benguet PMFC, Kibungan PNP, PDEU/PIU, Benguet PPO, RID at PDEA Car na nagresulta sa pagkadiskubre ng dalawang plantasyon.
Sa unang plantasyon ay natagpuan ang 640 fully grown marijuana plants na may Standard Drug Price na Php128,000 at sa pangalawang plantasyon ay natagpuan ang 120 piraso ng marijuana seedlings na may Standard Drug Price na Php4,800.
Bagama’t walang nahuling cultivator sa nasabing lugar ay agad namang binunot at sinunog ng mga operatiba ang mga nasabing marijuana.
Ang Benguet PNP ay muling nananawagan sa publiko na itigil ang pagtatanim ng marijuana dahil hindi titigil sa pagpapaigting ng kampanya kontra ilegal na droga para mahuli ang mga nagtatanim at nag-aangkat ng ipinagbabawal na halaman.