Tinatayang nasa Php7,480,000 na halaga ng shabu ang nakumpiska ng Estancia PNP sa dalawang nahuling drug personality sa Brgy. Cano-an, Estancia, Iloilo nitong Nobyembre 23, 2023.
Isinagawa ang drug buy-bust operation bandang 5:12 ng umaga ng mga tauhan ng Estancia Municipal Police Station-Station Drug Enforcement Team, na nagresulta sa pag-aresto sa dalawang subject person.
Kinilala ni Police Lieutenant Renzo Martinez, OIC ng Estancia MPS, ang mga suspek na sina Alyas Arman na itinala bilang High Value Individual (HVI) at si alyas Michael na naitala naman bilang Street Level Individual (SLI).
Ayon kay PLt Martinez, nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang 1.1 kilo ng pinaghihinalaang shabu, buy-bust money, isang (1) 12GA HM shotgun, isang (1) piraso ng itim na holster, mga drug paraphernalia, at ilang mga non-drug items.
Reklamong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10591 ang kakaharapin ng dalawang nahuli.
Kaugnay ng matagumpay na operasyon, hinikayat ni PBGen Sidney N Villaflor, RD PRO 6 ang mamamayan sa rehiyon upang makiisa sa pagpuksa sa ilegal na droga.
“Ipagpatuloy po natin ang ating kampanya laban sa ilegal na droga. Huwag po nating kalimutan ang masamang epekto ng ilegal na droga sa ating lipunan, huwag po nating hayaan na ang ating mga kabataan ay mabiktima ng mga ito. Magtulungan po tayo para sa ating kaayusan at kaunlaran”, ani PBGen Villaflor.