Iloilo – Nakumpiska ang tinatayang Php2.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang drug-bust operation ng pulisya sa Brgy. Poblacion, Bingawan, Iloilo, nito lamang ika-19 ng Nobyembre 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Ryan Chris T Inot, Officer-In-Charge ng Bingawan PNP, ang subject ng nasabing buy-bust na si alyas “Pit-pit”, na itinuturing na High Value Individual drug personality.
Alas-2:00 ng hapon ng ikasa ang drug buy-bust Operation ng mga tauhan ng Bingawan Municipal Police Station – Station Drug Enforcement Team (SDET) kasama ang PDEU, IPPO.
Ang nasabing operasyon ay nagresulta sa matagumpay na pag-aresto sa suspek matapos itong magbenta ng halagang Php 20,200 ng pinaniniwalaang shabu sa isang pulis na nagpanggap bilang poseur-buyer.
Sa pagkahuli sa suspek ay narekober din sa kanya ang dagdag na 14 na pakete ng pinaghihinalaang shabu, buy-bust money, at iba’t ibang non-drug items.
Lahat ng drogang nakumpiska ay tumitimbang ng humigit-kumulang 335 gramo at may tinatayang halaga na umaabot sa Php2,414,000.
Ang naarestong suspek ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Bingawan Municipal Police Station para sa tamang disposisyon.
Sa pahayag naman ng PRO6 top cop na si PBGen Sidney N Villaflor, kanyang sinabi na “Ipagpatuloy po natin ang pagtutulungan, kapulisan at mamamayan, sa ating kampanya laban sa ilegal na droga. Ang lahat ng ito ay para sa mas ligtas at mas magandang bukas ng ating mga anak.”