General Santos City – Matapos ang ilang buwang screening process na isinagawa ng Police Regional Office 12-Recruitment and Selection Board sa mahigit 3,000 aplikante ay umabot sa kabuuang bilang na 200 bagong pulis na magiging Patrolman/Patrolwoman na nanumpa bilang karagdagang miyembro ng PNP nito lamang araw ng Lunes, Nobyembre 13, 2023 na idinaos sa Grandstand ng PRO 12, Tambler, General Santos City.
Pinangunahan ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng PRO 12, ang nasabing oath-taking at sinaksihan ng mga pamilya ng mga aplikante ang naturang okasyon.
Mainit na binati ni PBGen Macaraeg ang mga recruits at binigyang diin nito na ang pag-aaplay sa police service ay may kaakibat na hirap at malaking responsibilidad kaya’t kailangang pahalagahan nila ang kanilang serbisyo at maging responsableng unipormadong pulis na may malasakit at pagmamahal sa bayan.
Mariing pinaalalahanan din nito na habang suot- suot na ang kanilang uniporme ay pagmamay-ari na sila ng gobyerno kung kayat tungkulin na nilang pagsilbihan ang mamamayan ng maayos, patas at higit sa lahat Service with the H.E.A.R.T (Humility, Enthusiasm, Aspiration, Respect, Timely and Appropriate Response) upang sa gayon ay maibigay ang pinakamahusay na serbisyo hindi lamang sa Rehiyong Dose kundi sa buong bansa at sambayanang Pilipino.
Ang mga bagong recruit ay binubuo ng 138 lalaki at 62 babae na agad na ini-turn over sa Regional Training Center 12 para sa pagsisimula ng Public Safety Basic Recruitment Course (PSBRC) upang sasailalim sa 6 na buwang pagsasanay.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin