Leyte – Sinisiguro ng kapulisan ng Eastern Visayas ang maayos at tahimik na paggunita sa araw ng UNDAS 2023 nitong Nobyembre 1, 2023 sa buong rehiyon.
Personal na binisita at ininspeksyon ni Police Regional Office 8 Regional Director, Police Brigadier General Reynaldo Pawid, kasama si Police Brigadier General Owen Andarino, Deputy Regional Director for Administration, ang Holy Cross Memorial Gardens sa Tacloban City at San Joaquin Mass Grave at Palo Public Cemetery sa Palo, Leyte kaninang umaga.

Ayon kay PBGen Pawid, humigit-kumulang 4,598 PNP personnel ang idineploy para ma-secure ang lahat ng 369 na sementeryo at memorial park sa rehiyon. Mayroon ding 392 Police Assistance Desks (PADs) sa iba’t ibang sementeryo at places of convergence.
Mahigpit ding ipinatutupad ng pulisya ang pagbabawal sa pag-inom ng alak, pagsusugal, pagdadala ng matutulis na bagay at baril, pagtugtog ng malakas na musika, at iba pang ilegal na aktibidad sa loob ng mga sementeryo.
Umapela si PBGen Pawid sa publiko na sundin ang mga safety protocols na ipinapatupad sa mga sementeryo at iwasang magdala ng anumang ipinagbabawal na gamit at kontrabando sa loob para sa maayos na pagbisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.