South Cotabato – Bistado ng mga awtoridad ang nangyaring vote-buying sa DARBCI Supermarket, Brgy. Cannery, Polomolok, South Cotabato nito lamang ika-29 ng Oktubre 2023.
Sa report ng Polomolok Municipal Police Station, bandang 10:00 ng umaga nang makatanggap ng reklamo mula sa isang concerned citizen ukol sa umano’y pagbili ng boto na nangyayari sa nasabing lugar.
Kaagad namang nirespondehan ng mga awtoridad sa pangunguna nina Police Colonel Cydric Earl Tamayo, Provincial Director ng South Cotabato Police Provincial Office at Mr. Anwar Paidumama, Election Officer.

Dinatnan ang mahigit 40 indibidwal na nagtitipon at naghihintay na makatanggap ng gift coupon na nagkakahalaga ng Php300 kapalit ng kanilang ID.
Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon na si alyas “Belly” na tumatakbo sa pagka-Barangay Chairman ng Brgy. Poblacion, Polomok, South Cotabato ang sponsor ng nasabing distributed coupons para lamang sa mga residente ng naturang barangay.
Samantala, isang residenteng nakatanggap ng grocery coupon ang tatayo bilang saksi laban sa kandidato.
Sa ngayon, inihahanda na ang kaukulang affidavit para sa pagsampa ng kaso laban sa suspek sa tanggapan ng COMELEC ng probinsya.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin