Rizal – Isinagawa ang Send-off Ceremony para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections 2023 na ginanap sa Rizal Police Provincial Office Covered Court, Taytay, Rizal nito lamang Oktubre 28, 2023.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni Police Colonel Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office kasama ang Command Group at Staff Officers.
Tinalakay ang mga gagawin sa mga Barangay at Polling Precincts kung saan ikakalat ang mga makikisig at masisipag na kapulisan ng probinsya.
Tiyak na palalakasin ng tropa ang mga hakbang sa seguridad sa pagsasagawa ng ligtas at patas na lokal na halalan.

Dagdag pa rito, ipinahayag ni PCol Maraggun ang kanyang suporta at matinding pasasalamat sa mga tropa sa kanilang hindi natitinag na pangako sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan para sa darating na halalan.
“Mag-ingat tayo sa ating duty sa eleksyon, exercise small unit leadership, be professional at sana makamit natin ang ating hangarin na ang mga botante ay makaboto ng walang agam-agam o pangamba, hindi maabala sa kanyang dadaanan pagpunta sa mga presinto at pagbalik sa kanilang mga tahanan”, ani PCol Maraggun.
Samantala, pagkatapos ng aktibidad ay ininspeksyon ang mga tropa upang matiyak ang kahandaan at mahusay na pagtugon sa anumang sitwasyon na maaaring lumabas sa panahon ng BSKE 2023.
Source: Rizal Police Provincial Office
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel T Dulin