General Santos City – Kalaboso ang isang lalaki matapos makumpiskahan ng ilegal na droga at baril sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Purok Stella Maris, Brgy. Tambler, General Santos City nito lamang alas-2:00 ng madaling araw ng Oktubre 28, 2023.

Isinagawa ang naturang operasyon laban sa kinilalang suspek na si alyas “Arquillos”, 38, sa pangunguna ng mga operatiba ng General Santos City Station 5 kung saan ang suspek ay agad na naaresto makaraang makabili mula rito ang nagpanggap na poseur buyer ng droga.
Narekober mula sa suspek ang shabu na tumitimbang ng nasa 0.42 gramo na may Standard Drug Price na Php3,000, isang unit ng Cal. 38 revolver na may kasamang tatlong bala, at buy-bust money.
Kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang kakaharapin ng suspek.
Patuloy naman ang buong hanay ng General Santos City PNP sa pagpapahusay at pagpapaigting ng kampanya kontra ilegal na droga at sa lahat ng uri ng kriminalidad para sa kaayusan at kapayapaan ng lungsod.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin