Camarines Sur – Tinatayang Php306,000 halaga ng ilegal na droga ang nasabat sa dalawang (2) lalaking tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation ng Nabua PNP sa Zone 6, Barangay San Francisco, Nabua, Camarines Sur nito lamang Oktubre 25, 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Jan King Calipay, Hepe ng Nabua MPS ang mga suspek na si alyas “Lito”, 54, may asawa at alyas “Polis”, 18, binata at parehong mga residente ng Brgy. San Rafael, Bato, Camarines Sur.
Ayon kay PLtCol Calipay, bandang 3:40 ng madaling araw nang isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Nabua Municipal Police Station sa pakikipag-ugnayan sa PDEA-Camarines Sur Provincial Office.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 45 gramo ng pinaniniwalaang shabu na may street value na Php306,000.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang Nabua PNP ay patuloy na magkakaisa upang masugpo ang ganitong klase ng krimen para malinis ang bayan sa pagkakaroon ng presensya ng ilegal na droga na sumisira sa buhay ng bawat Nabueño.
Source: Nabua MPS CSPPO