Central Mindanao (January 17, 2022) – Patay ang DepEd Supervisor ng Maguindanao at sugatan naman ang misis nito dahil sa pananambang ng di pa kilalang armado pasado 6:30 ng gabi Enero 17, 2022 sa Tacurong City, Sultan Kudarat.
Nakilala ang nasawi na si Javier Kumandi Sr., 55 anyos, DepEd Supervisor ng Pandag Maguindanao at ang kanyang sugatang asawa na si Jeanni Kumandi, 52 anyos na pawang mga residente ng Purok Katilingban Brgy. San Pablo, Tacurong City.
Nagtamo ng maraming tama ng bala ang DepEd Supervisor na ikinamatay niya on the spot, samantalang ang kanyang asawa ay naisugod kaagad sa malapit na ospital ngunit nasa maselang kondisyon.
Ayon kay Police Lieautenant Colonel Joan Maganto, Chief of Police Tacurong City, na habang sakay ang mga biktima sa Toyota Innova na may plakang AGA 5857 papauwi sa kanilang tahanan, ito ay hinarang at pinagbabaril ng hindi pa kilalang suspek gamit ang kalibre .45 na baril.
Mabilis namang nakatakas ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Tacurong City PNP upang mahuli ang salarin sa pananambang sa mag-asawa.
####
Panulat ni Patrolman Mark Vincent Valencia