Sultan Kudarat – Arestado ang isang Logistic Officer ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos makuhanan ng mga ilegal na armas sa isinagawang search warrant operation ng kasundaluhan at kapulisan sa Purok 5, Brgy. Dansuli, Isulan, Sultan Kudarat nito lamang ika-20 ng Oktubre 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang naarestong suspek na si alyas “Roy”, walang asawa, Liaison at Logistics Officer ng teroristang grupo mula sa Guerilla Front Daguma ng Far South Mindanao Regional Committee na nag-ooperate sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Sa ulat na natanggap ni PBGen Macaraeg mula sa Isulan Municipal Police Station, dakong 5:00 ng umaga nang sinalakay ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group 12, Sultan Kudarat Police Provincial Office, Isulan PNP, 7th Infantry Battalion ng Philippine Army at Task Force Talakudong ng Philippine Army, ang pamamahay ni Roy sa bisa ng Search Warrant para sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at RA 9516 (Illegal Possession of Explosives).
Narekober ang mga armas na kinabibilangan ng isang yunit ng Elisco M16 Rifle 5.56 Caliber, isang Plastic Magazine na kargado ng 13 na bala ng 5.56 Caliber, isang Steel Magazine na may lamang 17 bala din ng 5.56 Caliber, at isang yunit ng Hand Grenade.
Pinuri naman ni PBGen Macaraeg ang mga operatiba sa kanilang matagumpay na operasyon. Dahil rito, patuloy pa rin ang kanyang panawagan sa mga natitirang miyembro ng CPP-NPA na magbalik-loob na sa gobyerno tungo sa kaayusan, katahimikan, at kaunlaran ng bansa.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin