Camarines Sur – Tinatayang Php340,000 halaga ng ilegal na droga at isang yunit ng baril ang nasabat sa isang lalaking tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation ng Camarines Sur PNP sa Barangay Sta. Elena Baras, Nabua, Camarines Sur nito lamang Oktubre 17, 2023.
Kinilala ni PLtCol Jan King Calipay, Hepe ng Nabua MPS, ang suspek sa alyas na “Paking”, 28, binata at residente ng Barangay Sta. Cruz Sur, Iriga City, Camarines Sur.
Ayon kay PLtCol Calipay, bandang 1:16 ng madaling araw ng isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na mga operatiba ng 501st Maneuver Company RMFB5 at Nabua Municipal Police Station sa pakikipag-ugnayan sa PDEA- Camarines Sur Provincial Office.
Nakumpiska mula sa suspek ang 50 gramo ng pinaniniwalaang shabu na may street value na Php340,000 at isang (1) caliber 45 pistol na may magazine na kargado ng pitong (7) bala.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na may kaugnayan sa COMELEC Resolution No. 10728.
Ang Camarines Sur PNP ay patuloy na magkakaisa upang masugpo ang kriminalidad para malinis ang komunidad sa pagkakaroon ng presensya ng ilegal na droga na sumisira sa buhay ng mamamayang Pilipino.
Source: Nabua MPS CSPPO