Pangasinan – Pagkatapos ng ilang buwang pagtatago ay natunton at naaresto ng mga tauhan ng Rosales Municipal Police Station ang Top 1 Municipal Most Wanted Person sa Bayan ng Sual sa Pangasinan nitong Linggo, ika-9 ng Oktubre 2023.
Tinukoy ni Police Colonel Jeff Fanged, Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office, ang akusado na si Ariel Gacad y Macabio, 39 at residente ng Brgy. Isla Binabalian, Bolinao, Pangasinan.
Naaresto ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest sa kasong paglabag ng RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay PCol Fanged, matagumpay na naaresto ang suspek bandang 7:20 ng gabi sa Brgy. Santa Maria Norte, Binalonan, Pangasinan ng mga operatiba ng Rosales Municipal Police Station sa pangunguna ng kanilang Hepe na si Police Major Filemon Oligo Jr.
Makakaasa ang taumbayan na patuloy na gagampanan ng mga kapulisan ang kanilang mandato na tugisin at hulihin ang mga may pananagutan sa batas nang sa gayon ay mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Source: Rosales Municipal Police Station
Panulat ni PSSg Bader Ceasar Ayco