Lanao del Sur – Tinatayang Php125,120 halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng mga awtoridad sa inabandonang sasakyan sa Brgy. Patani, Marawi City, Lanao del Sur nito lamang ika-1 ng Oktubre 2023.
Ayon sa ulat, habang nagsasagawa ng checkpoint ang Marawi City Police Station at Task Force Marawi sa nasabing lugar, isang puting Toyota Hilux na may Plate Number na NCP8474 ang pinahinto para sa visual search at nang tanungin kung ano ang nasa loob ng itim na bag sa passenger seat ay agad itong tumakas patungong Brgy. Boganga I, Marawi City, kung saan iniwan ng drayber ang sasakyan at tuluyan na itong tumakas.
Narekober ng mga awtoridad ang tatlong plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 18.4 na gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php125,120, isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang dahon ng marijuana na may bigat na limang gramo at nagkakahalaga ng Php600, photocopy ng Driver’s License, at iba’t ibang dokumento.
Magsasagawa ang Marawi PNP ng malalim na imbestigasyon para alamin ang pagkakakilanlan ng may-ari ng sasakyan at ang driver nito na umiwas sa pag-aresto para masampahan ng kaukulang kaso.
Samantala, ang Pambansang Pulisya ay mas lalo pang paiigtingin ang seguridad kontra kriminalidad tungo sa mas maayos at maunlad na Rehiyong Bangsamoro.
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz