Occidental Mindoro – Nagsagawa ng Medical Mission at Community Outreach Program ang Occidental Mindoro Police Provincial Office sa Sitio Bato Ili, Brgy. Monte Claro, San Jose, Occidental Mindoro noong ika-22 ng Setyembre 2023.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni Police Colonel Jun Dexter Danao, Provincial Director ng Occidental Mindoro PPO, katuwang ang Officers’ Ladies Club (OLC) Occidental Mindoro Chapter na pinamumunuan ng kanyang kabiyak na si Mrs. Dinah Grace A Danao.

Kabilang sa nakilahok ang Provincial Government ng Occidental Mindoro, Municipal Health Office (MHO) ng San Jose, 68th IB, Philippine Army at iba pang volunteers mula sa komunidad.
Ilan sa mga serbisyong naihatid sa nasabing aktibidad ang libreng konsulta, pamamahagi ng libreng gamot at mga bitamina, pamamahagi ng food packs at mga gamit pang-iskwela, pagpapakain, palaro sa mga kabataan, libreng gupit at libreng tuli.
Namahagi naman si Pastor Renato Macalalad ng bibliya upang matulungan ang mga residenteng maipaabot ang salita ng Diyos at mas lalo pang mapagyaman ang kanilang pangangailangang pang-ispiritwal.
Higit tatlong daan animnapung (360) residenteng kabilang na ang mga Indigent Peoples (IPs) ang nabigyan ng benepisyo at nahatiran ng saya at pag-asa.
Lubos namang nagpasalamat ang mga ito sa programang hatid ng kapulisan katuwang ang ibang ahensya ng gobyerno.
Panulat ni Patrolman Erwin Calaus