Higit sa Php1 milyong halaga ng droga ang nakumpiska habang siyam naman na indibidwal ang nahuli sa ikinasang drug buy-bust operation ng Iloilo City Drug Enforcement Unit sa Barangay Desamparados, Jaro, Iloilo City, noong ika-18 ng Setyembre 2023.
Kinilala ang mga naarestong sina Bobo Pedrajas, 30; Kim Obiapal, 29; Rolando Obapial Jr., 49; Rodson Obapial, 51; Julius Pedrajas, 49 s; Fred Banesio, 39; Romeo Parreño, 23; Joery Miranda, 47; at Carlo Emano, 35.
Narekober sa nasabing operasyon ang 18 plastic sachets at dalawang knot-tied plastic na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu, kasama na rin ang mga drug paraphernalia at halagang Php12,000 na ginamit bilang buy-bust money.
Ang nakumpiskang droga ay may kabuuang timbang na 150 gramo at may tinatayang halaga na Php1,020,000.
Ayon kay Police Captain Roque Gimeno III ng CDEU, isa sa mga main subject ng nasabing buy-bust ay ang High Value Individual na si Bobo Pedrajas na dati na ring nakulong dahil sa ilegal na droga.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nangunguna ang PNP sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa Iloilo City upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa kanilang nasasakupan.