Paranaque City — Timbog ang isang lalaking Chinese National matapos mahulihan ng baril at bala sa pamamagitang ng X-Ray Scanning machine ng mga tauhan ng Parañaque City Police Station nito lamang Linggo, Setyembre 10, 2023.
Kinilala ni PBGen Roderick Mariano, District Director ng Southern Police District, ang suspek na si Wan Liang, 40 taong gulang, Chinese National.
Ayon kay PBGen Mariano, nadakip ang suspek ng mga awtoridad bandang alas-3:00 ng hapon sa Pearl Entry, Okada Manila, Entertainment City, Barangay Tambo, Parañaque City matapos matuklasan ng mga security personnel sa Okada Manila, sa regular na bag screening, ang isang baril sa loob ng backpack ni Wan Liang sa pamamagitan ng paggamit ng X-ray scanning technology.
Narekober sa bag ng suspek ang isang kalibre .45 na kargado ng pitong live ammunition, isang zip-lock transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu na tumitimbang ng 1.77 gramo na may halagang Php12,036, isang zip lock transparent plastic sachet na naglalaman ng dalawang pink na tableta na hinihinalang ecstacy na may halagang Php3,400, iba’t ibang identification card at cash money na nagkakahalaga ng Php710.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Batas Pambansa 881 o Violation of the Omnibus Election Code, at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang Pambansang Pulisya ay hindi kokonsintihin ang mga dayuhang gumagawa ng ilegal na aktibidad sa ating bansa at sila ay pananagutin sa batas na kanilang nilabag.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos