Oriental Mindoro – Nakilahok sa 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill 2023 ang mga kapulisan ng Police Regional Office MIMAROPA sa pamumuno ni Police Brigadier General Joel Doria, Regional Director na ginanap sa Camp BGen Efigenio C Navarro, Calapan City, Oriental Mindoro noong ika-7 ng Setyembre 2023.
Ang kaganapan ay inorganisa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Oriental Mindoro Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, Calapan City Disaster Risk Reduction Management Office, at Bureau of Fire Protection.
Pinangunahan ng Regional Community Affairs and Development Division, sa pamumuno ni Police Colonel Adonis Guzman, Chief, RCADD, sa pakikipagtulungan ng Regional Mobile Force Battalion at Regional Medical at Dental Unit 4B.
Ang partisipasyon ng lahat ng mga opisina at paaralan ay batay sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) Memorandum No. 090, 8.23 na may petsang Agosto 18, 2023, at OUOPS No. 2023-04-1668 na may petsang Pebrero 22, 2023.
Sa isang mensahe, binigyang-diin ni PBGen Doria ang kahalagahan ng NSED at ang pangako sa pagsasagawa ng wasto at epektibong pamamaraan ng duck, cover, at hold sa panahon ng mga potensyal na seismic event. “Sinusuportahan ng aktibidad na ito ang kampanya ng NDRRMC para mapahusay ang ating kahandaan at kakayahan sa pagtugon sa harap ng mga potensyal na seismic event,” saad ni PBGen Doria.
“Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan at pag-uukol sa pagsasanay na ito, nagiging mas handa tayong pangasiwaan ang mga hindi inaasahang pangyayari, isulong ang pagiging handa, kamalayan, at kaalaman, mag-ambag sa isang mas ligtas na lipunan, at matiyak ang mas mabilis na pagbangon pagkatapos ng isang lindol,” dagdag pa ni PBGen Doria.
Ang NSED ay isang quarterly event na naglalayong suriin ang pagiging epektibo ng mga contingency plan at protocol ng kampo, gayundin upang paghusayin ang disaster awareness at preparedness kaugnay ng mga senaryo ng lindol at mga katulad na kaganapan.
Source: Police Regional Office Mimaropa
Panulat ni Patrolman Erwin Calaus