Benguet – Nagsagawa ng Send-off Ceremony ang Police Regional Office Cordillera para sa “Balik Eskwela” program ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 15, na ginanap sa Masigasig Grandstand, Camp Major Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet nito lamang Agosto 29, 2023.
Ito ay pinangunahan ni Police Brigadier General David Peredo, Jr., Regional Director ng Police Regional Office Cordillera, na dinaluhan din ng Regional Staff kasama sina Police Lieutenant Colonel Ruel Tagel, Acting Force Commander ng RMFB15, Mr. Jose Chan, Chairman ng Career Builders Training and Assessment Center, Inc.
May kabuuang 18 benepisyaryo o out-of-school youths mula sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon Cordillera ang sasailalim sa labing-limang araw ng Steel Works and Sewing Training na gaganapin sa Pozzorubio, Pangasinan sa pangangasiwa ng nasabing training center.
Ang RMFB15 at Career Builders ay pumirma kamakailan lamang ng kasunduan at bumuo ng isang partnership para suportahan ang workforce development, employment facilitation, recruitment, at empowerment para sa mga out-of-school at unemployed youths, upang makuha ang mga kasanayang kailangan nila para makakuha ng trabaho at maging produktibo.
Sa mensahe ni PBGen Peredo Jr., nagpaabot ng pasasalamat sa mga kalahok sa pakikiisa sa nasabing programa at gayundin kay Chairman Chan sa kanilang walang sawang pagsuporta sa mga programa ng PRO Cordillera, kasunod ng pagbibigay diin nito sa mga kalahok sa kahalagahan ng sakripisyo at disiplina sa pag-unlad ng sarili habang sila ay sumasailalim sa nasabing pagsasanay.