Rizal – Tinatayang Php541,960 halaga ng shabu ang nakumpiska ng Antipolo City PNP sa isang High Value Individual (HVI) nito lamang Huwebes, Agosto 17, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Dominic Baccay, Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Bubu’’, 43, residente ng Brgy. Sta. Cruz Antipolo, City.
Naaresto ang suspek sa CMA Market, Brgy. Dela Paz, Antipolo City, Rizal ng mga operatiba ng Antipolo City Drug Enforcement Team (CDET).
Nakumpiska mula sa suspek ang isang pakete at isang nakatali na plastic na may laman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit kumulang 79.7 gramo na nagkakahalaga ng Php541,960 at tatlong pirasong Php1000 bill.
Ang suspek ay napawalang-sala sa parehong kaso noong 2019 at ngayon ay nahaharap ulit sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy na paiigtingin ng Antipolo City PNP sa tulong ng mga mamamayan ang kampanya kontra ilegal na droga para mapanagot ang mga nagtutulak at gumagamit nito at mapanatili ang ligtas, maayos at mapayapang komunidad lalo na sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Source: Rizal Police Provincial Office
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel T Dulin