Negros Oriental – Nakumpiska ang tinatayang Php1.8 milyong halaga ng shabu sa isang High Value Individual na suspek sa ikinasang buy-bust operation ng kapulisan ng Central Visayas sa Purok 4, Barangay Bolocboloc, Sibulan, Negros Oriental, noong Linggo, Agosto 13, 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Anthony Aberin, Regional Director ng Police Regional Office 7, ang suspek na si Ian Rey, 42, residente ng Villa Pastora, Barangay Batinguel, Dumaguete City at tinuturing na kabilang sa talaan ng High Value Individual.
Ang operasyon ay naisakatuparan sa pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Provincial Intelligence at Drug Enforcement Unit ng Negros Oriental Police Provincial Office at ng Sibulan Municipal Police Station.
Nakuha sa pag-iingat nito ang 265 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php1,802,000, isang unit ng Yamaha Mio motorcycle, buy-bust money, at mga drug paraphernalia.
Nahaharap sa mga reklamong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.
Muli namang pinuri ni Police Brigadier General Aberin ang mga tauhan nito sa likod ng matagumpay na operasyon at kanilang pagpapaigting sa kampanya kontra ilegal na droga.