Arestado sa isang entrapment operation ang isang babaeng nagpanggap na Police Major at nanggantso sa mga aplikante ng PNP at AFP noong ika-14 ng Setyembre 2021.
Kinilala ang suspek na si Jebelyn Bungcag, 22 taong gulang, residente ng Barangay Turod, Reina Mercedes, Isabela.
Siya ay dinakip ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Team ng Isabela, HPG Isabela, at Cabagan Police Station sa isang hotel sa Cabagan, Isabela kung saan ay nakipag-transaksyon ang suspek sa isa pa nitong biktima na pinangakuang makakapasok sa uniformed service.
Nauna rito ay dumulog na sa mga awtoridad ang biktimang si Alias Alex, aplikante ng PNP, nang madiskubreng nawawala ang kanyang motorsiklo.
Hinala ng biktima na si Bungcag ang nasa likod ng pagkawala ng kanyang motorsiklo dahil bago umano ang insidente ay nagbigay ang biktima sa suspek ng Php15,000 bilang paunang bayad.
Nagkataon na ginamit ng suspek sa naturang transaksyon ang tinangay na motorsiklo na siyang naging daan upang makorner ito. Kanilang nadiskubre na hindi pala konektado sa PNP at AFP ang suspek na si Bungcag.
Dahil sa ginawang panloloko sa mga aplikante ng PNP at AFP at pagtangay sa motorsiklo ay mahaharap si Bungcag sa patong-patong na kaso, kabilang ang carnapping, usurpation of authority, at large scale estafa.
Napag-alaman mula sa mga nabiktima na ang suspek na nagpapakilalang Police Major at naniningil ng Php1,500 hanggang Php750,000 kapalit ng kanilang pagpasok sa PNP o sa AFP.
Tiniyak naman ng Regional Recruitment and Selection 2 na hindi mababahiran ng ireguralidad ang recruitment process ng Police Regional Office 2 lalo pa at mahigpit ang tagubilin ni PNP Chief, PGen Guillermo Lorenzo T. Eleazar na gawing malinis at patas ang pagpili ng mga aplikante sa pamamagitan ng QR Code System.
Hinihikayat rin ang publiko na ipagbigay alam kaagad sa kanilang tanggapan kung may mga insidenteng kagaya ng nag-aalok ng slot sa PNP kapalit ng malaking halaga.