Palawan – Naghandog ng Libreng pabahay ang mga kapulisan ng 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company sa Barangay Nicanor Zabala, Roxas, Palawan noong ika-10 ng Hulyo 2023.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Mhardie Azares, Force Commander ng 2nd Palawan PMFC, nakaagaw pansin ang isang social media post ng isang concerned citizen na si Ms. Jelinda Sarmiento patungkol sa kalagayan ng isang lolo sa Barangay Nicanor Zabala, Roxas, Palawan na may karamdaman at sira-sirang tahanan.
Ayon pa kay PLtCol Azares, ang nasabing lolo ay kinilalang si Mr. Benjamin Torcino Arcayan o mas kilala sa tawag na “Tatay Ben”, 76 at mag-isa na lamang sa buhay.
Siya ay tubong Mati sa Davao Oriental at taong 1994 nang marating niya ang probinsya ng Palawan at mula noon ay dito na siya nanirahan sa Brgy. Nicanor Zabala.
Noong Hunyo 7, 2023, binisita ng kapulisan ng 2nd Palawan PMFC si Tatay Ben upang alamin ang kanyang kalagayan na noo’y nagpapagaling sa kanyang karamdaman. Napag-alaman ng pamunuan ng 2nd Palawan PMFC na si Tatay Ben ay pansamantalang nakatira sa tahanan nina Ginang Nora C Mirasol dahil wala siyang maayos na tirahan.
Bilang tugon ng pamunuan ng 2nd Palawan PMFC sa pangunguna ng Force Commander nitong si PLtCol Mhardie Azares ay agad na pinagplanuhan ang pagpapatayo ng magiging bagong tirahan ni Tatay Ben.
Sa tulong ng Kapatiran sa Iglesia ni Cristo ng Lokal ng Desay at mga opisyal ng Barangay Nicanor Zabala, Roxas, Palawan ay naisakatuparan ang pagpapatayo ng bagong tirahan ni Tatay Ben.
Nito lamang Hulyo 10, 2023 ay pormal nang ipinagkaloob ng pamunuan ng 2nd Palawan PMFC kasama ang lokal na pamahalaan ng Barangay ng Nicanor Zabala at Kapatiran sa Iglesia ni Cristo ng Lokal ng Desay ang bagong bahay ni Tatay Ben.
Lubos naman ang pasasalamat ni Tatay Ben sa mga kapulisan ng 2nd Palawan PMFC at sa lahat ng tumulong sa biyayang kanyang natanggap. Aniya, malaking kaginhawaan sa kanya na magkaroong muli ng sariling bahay.
Sa huli, ang pamunuan ng 2nd Palawan PMFC ay lubos na nagpapasalamat sa mga tumulong at suporta sa nasabing programa at sa pamilya ni Ginang Nora C. Mirasol (may ari ng lupa) na nagpahintulot na paglakagan ng bagong bahay ni Tatay Ben.
“Tunay nga na walang imposible kapag ang lahat ay nagmamalasakit, nagkakaisa at nagtutulungan para sa ating kapwa lalo na sa mga nangangailangan”, sabi ni PLtCol Azares.
Panulat ni Patrolman Erwin Calaus