Malabon City — Nakumpiska sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Malabon City Police Station ang tinatayang Php176,800 halaga ng umano’y shabu sa tatlong suspek nito lamang Martes, ika-11 ng Hulyo 2023.
Kinilala ni Northern Police District Director, PBGen Ponce Rogelio Peñones Jr., ang mga naarestong suspek na sina alyas “Dadang” (Pusher/Listed), 42; alyas “Jerry” (Pusher/Listed), 46; at alyas “Totong” (User/Newly Identified), 32, pawang mga residente ng Malabon City.
Ayon kay PBGen Peñones Jr, bandang 1:30 ng madaling araw ng mahuli ang tatlo sa kahabaan ng Pampano Street, corner C4 Road Brgy. Longos, Malabon City.
Narekober sa mga suspek ang pitong (7) piraso ng maliliit na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may kabuuang timbang na humigit kumulang 26 gramo na may Standard Drug Price (SDP) na Php176,800; isang tunay na Php500 na ginamit na buy-bust money; at
isang kulay brown na coin purse.
Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy naman ang pulisya sa kampanya kontra ilegal na droga upang maiwasan ang paglaganap nito at hindi na makapaminsala pa ng buhay ng tao.
Source: NPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos